Bawat isa’y may pinapangarap
Magkaroon ng anak biyaya ng Maykapal
Sa buhay ng mag-asawa hatid ay ligaya
Upang makumpleto saya ng pamilya
May mga panahong di maiwasan
Malungkot sa abang kalagayan
Pagsakay ng dyip, katabi ng magulang
Ang anak niyang pinakamamahal
Sabi ko sa aking sarili na nagmumuni
Kung sanay may anak tiyak na kasama
Kapag may lakad at pupuntahan pa
Siguradong di maiiwan, anak laging dala
Bakit ito ang ipinagkaloob
Di mo rin matarok ang plano ng Diyos
Ang iba’y hirap sa buhay, anak ay sagana
Ang may kakayanan, isa man ay wala
Gaya ng iba’y ginawa ang alam
Nagdebosyon, nanalangin upang pagbigyan
Kahit isang anak na makakasama
Sa panahong tumanda at walang kakayahan
Masakit man sa aking kalooban
Dapat tanggapin at patunayan
Di pagkakaroon ng anak ay may dahilan
Tanging ang Diyos lang ang nakakaalam
Kaya sa lahat ng may ganitong karanasan
Iwasang malungkot, sa halip ay magdasal
Hilingin sa Diyos kung mapagbibigyan
Manapa’y tanggapin, maluwag sa kalooban
Paalala ko lang sa lahat ng mga magulang
Mga anak ninyo’y inyong pangalagaan
Sapagkat tanging Diyos lang na lumalang
Ang nagkaloob at nagbigay buhay