Return to site

A BA KA DA

ni: AILEEN M. DARAN, EdD

A-e-i-o-u ang wika ng isang bata

Hawak at binubuklat ang bawat pahina

Isang manipis at kulay dilaw

Halos lahat sa atin ay nakagamit daw

Sa di naman kalayuan ay may nakamasid

Isang gurong nakatayo mula sa silid

Nababalot ng ngiti ang kanyang mga labi

At may paghangang masasabi

Muli ay nagbalik ang ala ala

Tulad ng bata, minsan ay humawak din

Ng nasabing aklat na kulay dilaw

Na ang dulot ay talas ng kaisipan

Isa sa kultura ng mga Filipino

Bibili si nanay ng aklat na ito

Gabi gabi ay isa isang pahina

Aaralin muna bago magpahinga

Dito nagsimula tayong bumasa

Kikilalanin ay titik muna

Susundan naman ng pagpantig ng salita

At sa huli ay bubuo ng pangungusap

Anu nga bang hiwaga ang hatid mo

At tunay na ikaw’y kamangha mangha

Maaaring sa iba ikaw’y ordinaryo

Ngunit sa amin ay natatangi ka, AbaKaDa